LEGAZPI CITY—Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng isang advocacy group sa mga pamilya ng mga biktima ng war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa nalalapit na pagdinig para sa kumpirmasyon ng mga kaso laban sa dating Pangulo sa Setyembre 23 sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Rise Up for Life and for Rights Coordinator Rubilyn Litao, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, mahalagang ipagpatuloy ang pakikipag-ugnayan sa kanila dahil isa ito sa mga unang hakbang tungo sa pagkamit ng hustisya para sa mga biktima ng madugong drug war.
Aniya, patuloy din ang kanilang pakikipagtalakayan at pagbibigay update katuwang ang National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) hinggil sa confirmation of charges ni Duterte sa ICC.
Dagdag pa ni Litao na karamihan umano sa mga pamilya ay takot kaya binibigyan nila ito ng lakas ng loob, ngunit may iba ring pamilya ang nagpahayag ng kanilang kahandaan na harapin ang mga proseso.
Dagdag pa niya, mahalaga rin bilang isang mamamayang Pilipino, na makiisa sa isyu para sa kapakanan ng mga biktima ng war on drugs.
Binigyang-diin ni Litao na mahalagang ipagpatuloy ang proseso ng ICC dahil simula noong 2018 ay pinag-aaralan at iniimbestigahan na nila ang mga kasong ito.
Samantala, umapela naman ang opisyal sa iba pang pamilya ng mga biktima ng drug war na hindi pa naidokumento na makipag-ugnayan sa mga kinauukulang grupo dahil mahalagang marinig ang kanilang boses at upang mapatunayan na nangyari ang naturang insidente at para na rin sa panawagan ng hustisya para sa kanila.