LEGAZPI CITY – Bahagyang tumaas ang kaso ng mga pang-aabuso sa mga kababaihan sa Albay ngayong “new normal”.

Batay sa tala ng Albay Police Provincial Office Violence Against Women and their Children (VAWC) Department, nasa 132 ang rape cases noong 2020 at 134 noong 2021.

Sa 15 bayan at tatlong lungsod, Legazpi ang may pinakamataas na kaso.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Albay PPO VAWC Department chief PMaj. Genevieve Oserin, nakapaghain na ng kaukulang kaso.

Nabatid na pinakamaraming biktima ang nasa edad 11 hanggang 20-anyos na itinuturing bilang “vulnerable age”.

Noong 2020, nasa 92 ang biktima sa nasabing age group; 87 noong 2021 at nitong Enero hanggang Marso 2022, 15 na ang naitala.

Batay sa mga imbestigasyon, lumalabas na karaniwang nangyayari ang krimen sa inuman ng mga menor de edad at kaibigan ang suspek.

Kadalasan, walang sariling kwarto ang biktimang babae o nasa pangangalaga ng ama, tiyuhin o iba pang kamag-anak na lalaki.

Ayon pa kay Oserin, inilapit na sa provincial government ang problema upang mabigyan ng kaukulang aksyon.

Pinaigting din ng pulisya ang awareness campaign at dayalogo sa mga barangay sa pangangalaga sa mga kababaihan.