Aminado ang abogado ni Kingdom of Jesus Christ founder Apollo Quiboloy na wala pang pormal na komunikasyon ang pastor hinggil sa plano nito sa pagpapahupa sa tensyon sa KOJC compound.
Matatandaan kasi na patuloy ang pagdepensa ng mga tagasunod ni Quiboloy laban sa mga kapulisan na magsisilbi sana ng warrant of arrest laban dito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay sa abogado ni Pastor Quiboloy na si Atty. Israelito Torreon, sinabi nito na inirerespeto nila ang desisyon ng pastor lalo pa at may mga karapatan ito sa ilalim ng batas.
Kiniwesyon rin nito ang validity ng warrant of arrest na hawak ng mga kapulisan na lumusob sa naturang compound sa Davao City.
Samantala, nanindigan naman si Atty. Torreon na plano nilang magsampa ng kaso kaugnay ng pagkasawi ng dalawang miyembro ng Kingdom of Jesus Christ na inatake sa puso matapos umano ang paglusob ng mga armadong kapulisan.