LEGAZPI CITY – Muling lumakas ang industiya ng abaca sa lalawigan ng Catanduanes dahil sa tumataas na demand mula sa ibang mga bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Bert Lusuegro ang Provincial Fiber Officer ng Philippine Fiber Industry Development Authority Catanduanes, kasama sa mga bansang may mataas na demand para sa abaca mula sa Pilipinas ay ang Germany, Estados Unidos at Canada.
Ginagamit umano ito sa paggawa ng face mask, bag, damit, mga dekorasyon at iba pa.
Dahil sa lumakas na demand, tumaas na rin ang presyo ng abaca na umaabot na ngayon ng P47 hanggang P85 ang kada kilo depende sa klase, mula sa dating P25 lamang.
Samantala, wala pa namang naitatalang epekto sa industiya ang init ng panahon na dala ng El Niño at masagana pa rin ang ani ng mga abaca fibers.
Umaasa naman ang Philippine Fiber Industry Development Authority na sa tulong ng gobyerno ay mas maipapakilala pa sa ibang bansa ang mga abaca products at mas madami pa ang tatangkilik nito.