LEGAZPI CITY- Labis na kahirapan ang nararanasan ngayon ng mga abaca stripper sa lalawigan ng Catanduanes dahil sa pagbagsak ng presyo ng abaca fiber.
Ayon kay Panganiban, Catanduanes Municipal Councilor Jefrey Velasco sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, marami sa mga magsasaka sa abaca capital of the Philippines ang iniwan na ang hanapbuhay upang makipagsapalaran sa Maynila dahil sa hirap ng buhay.
Ang ilan ay mas pinili na pumasok sa construction upang maibigay ang pangangailangan ng pamilya.
Aniya, mula kasi sa P100 kada kilo ng abaca fiber ay bumagsak ito P45 hanggang P60 kada kilo kaya matinding pagkalugi ang nararanasan ng mga magsasaka.
Paliwanag ng konsehal na isa sa mga pangunahing rason nito ang ilang buwan na pagtigil ng exportation ng naturang produkto dahil sa nararanasang global crisis.
Isa pa sa mga rason nito ang hindi na paggamit ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa abaca fiber sa paggawa ng peso bills dahil sa bagong polymer design ng salapi.
Ayon pa kay Velasco na nakakalungkot na paunti-unti nang namamatay ang abaca industry sa lalawigan kahit pa maganda ang kalidad nito.
Dahil dito ay nanawagan ang opisyal sa pamahalaan na mabigyan ng atensyon ang kanilang suliranin bago pa tuluyang bumagsak ang industriya.