LEGAZPI CITY- Nahihirapan pa rin na makabangon ang mga abacaleros sa lalawigan ng Catanduanes ng matapos na ang pandemya ng coronavirus disease.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Department of Agriculture Bicol spokesperson Lovella Guarin, bagsak ang demand ng produkto ngayon hindi tulad noong kasagsagan ng pandemya na mas marami ang kinikita ng mga nagtatanim at nagpoproseso.
Ito ay dahil mataas ang demand ng abaca sa mga bansa sa Europa na ginagamit sa paggawa ng kanilang personal protective equipment at mga facemask.
Subalit ng matapos ang pandemya at tinanggal na ang mga restrictions ay nawala na rin ang mga dayuhang bumibili ng mga produtong abaca mula sa island province.
Ayon kay Guarin, tinututukan na ngayon ng tanggapan ang naturang problema at nakikipag-ugnayan na sa national government na naghahanap ng mga bagong customers na bibili ng abaca.
Habang mababa pa ang demand ng produktong abaca ay tinutulungan na muna ng Department of Agriculture Bicol ang mga abacaleros sa pagtatanim ng ibang mga produkto tulad ng mg prutas at gulay bilang alternatibong kabuhayan.