LEGAZPI CITY- Ikinagalak ng Philippine Fiber Industry Development Authority Bicol ang resulta ng pinakabagong survey na nagsasabing ang Pilipinas ang number 1 exporter ng abaca sa buong mundo.
Ayon kay Philippine Fiber Industry Development Authority Bicol Director Mary Anne Molina na ang Pilipinas ang may 80% share sa global market.
Bilang abaca capital of the Philippines, ang Catanduanes umano ang may 26.6% share na pinakamalaki sa buong bansa habang 81.76% share naman sa buong rehiyong Bicol.
Sa kabila nito ay aminado ang opisyal na simula noong 2020 at bahagyang humina ang pag-export ng abaca mula sa Catanduanes dahil sa mataas na shipping cost na dulot ng kaguluhan sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Kinakailangan pa kasi umanong iikot sa South Africa ang mga produkto kaya nagkakaroon ng shipping delays at mas mataas ang gastos ng mga exporters.
Ayon pa kay Molina na simula noong Enero hanggang Hunyo 2024 ay bumaba ang pulp manufacturing ng Bicol habang hindi tumataas ang presyo.
Nabatid na nagkaroon ng 18.56% deficit kumpara sa kaparehong panahon noong 2023.
Dahil dito, ang ilang mga abacaleros sa lalawigan ng Catanuanes ay mas pinipiling pagtuunan ngpansin ang ilang mga agriculture commodities kaysa sa abaca.
Kaugnay nito, nanawagan si Molina sa mga abacaleros na gamitin ang ipinamahagi ng tanggapan na mga modified abaca stripping knives na may kakayanang makapag produce ng mas dekalidad na abaca na mas mataas ang presyo sa merkado.