LEGAZPI CITY- Umabot sa P400,000 ang halaga ng iligal na droga na narekober ng mga otoridad sa isinagawang buy bust operation laban sa maglive-in partner na drug personality sa Barangay Concepcion, Virac, Catanduanes.
Kinilala ang mga suspek na sina Ardee Arcilla, 34 anyos, contractual employee sa DPWH at Coleen Mae Sarmiento, 31 anyos,isang vendor.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PMaj. Antonio Perez, hepe ng Virac PNP, dati na umanong sumuko sa tokhang ang dalawa na sumasailalim na sa Recovery and Wellness Program subalit nakumpirmang bumalik sa iligal na kalakaran ng pagbebenta ng droga.
Dahil dito ikinasa ang buy bust operation kung saan umabot sa 60 gramo ng pinaniniwalaang shabu ang nakumpiska mula sa mga suspek.
Sa ngayon nakakakulong na ang dalawa na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.