LEGAZPI CITY- Libu-libong mga residente pa rin ang inililikas dahil sa nararanasang mga pagbaha at pagguho ng lupa sa California dulot ng nararanasang mga pag-ulan.

Ayon kay Bombo International Correspondent Greg Aguilar, aabot na sa 90% ng populasyon sa California ang apektado ng naturang mga pagbaha.

Aniya, ang buong oceanside town ng Montecito kung saan nakatira ang ilang mga mayayang negosyante at celebrities ay inilikas na rin.

Nakakaranas rin ang lugar ng pagkawala ng supply ng kuryente gayundin ang naitalang mga mudslides.

Dagdag pa ni Aguilar na dahil sa ilang araw na mga pag-ulan ay saturated na ang lupa kaya nakakapagtala na rin ng mga sinkhole kung saan ilang mga sasakyan ang nilamon ng lupa.

Samantala, tinatayang bilyones na ang halaga ng pinsala ng mga pag-ulan sa California at inaasahang madadagdagan pa sa susunod na mga araw.

Sa kabila nito ay patuloy naman ang pagdating ng local aid o tulong sa mga apektado ng kalamidad habang nagdeklara na rin ng state of calamity sa lugar.

Katunayan, ayon kay Aguilar ay nag-aalok ang federal government ng loan sa mga residente na napinsala ang mga kabahayan.