
LEGAZPI CITY – Abala rin ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection Bicol sa pagbibigay ng seguridad at tulong sa publiko sa paggunita ng Mahal na Araw.
Ayon kay Bureau of Fire Protection (BFP) Bicol Acting Regional Director Fire Senior Superintendent Achilles M. Santiago sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, aabot sa 2,640 sa kanilang mga tauhan ang nasa ground upang magbigay ng tulong sa mga nangangailangan.
Nagsagawa rin sila ng mga safety inspections sa mga terminal, daungan, hotel, at iba pang mga establisyimento upang matiyak ang kaligtasan ng kanilang mga pinaglilingkuran lalo na’t ang ilang mga tanggapan ng gobyerno ay nagpatupad na ng work-from home arrangement.
Aniya, maaasahan ng publiko na hindi lamang sila nakatuon sa pagtugon sa mga insidente ng sunog kundi pati na rin sa pagbibigay ng mga rescue and medical services para sa mga pumupunta sa mga simbahan, paliguan, at iba pang mga lugar na madalas puntahan ng publiko.
Idinagdag ng opisyal na 227 na fire trucks, 48 ambulansya, at 11 rescue vehicles ang naka-deploy din sa mga lugar na handang tumulong kung sakaling magkaroon ng anumang hindi inaasahang insidente sa Holy week.
Nanawagan din siya sa mga umaalis ng kanilang mga tahanan ngayon na siguraduhing hindi nakasaksak ang kanilang mga appliances upang maiwasan ang sunog at siguraduhin ang kondisyon ng kanilang mga sasakyan upang maiwasan ang mga insidente sa mga kalsada.
Hinimok din ni Santiago ang publiko na huwag mag-atubiling lumapit sa kanilang mga tauhan upang humingi ng tumulong at umalalay sa kanilang pagdiriwang ng Semana Santa.










