Former President Rodrigo Duterte

LEGAZPI CITY- Nakikipag-ugnayan na ang ilang mga grupo sa mga Pilipino sa Europa upang magkaisa sa pagpapakita na ang mga Pilipino ay nasa panig ng hustisya.

Ito ay kaugnay ng nakatalaan na pagsisimula ng paglilitis kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa Nobyembre 30.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay dating Kabataan Partylist Representative Raoul Manuel, sinabi nitong kasalukuyan siyang nasa The Hague, Netherlands upang dumalo sa naturang trial.

Magsisilbi umano siya bilang isa sa observers bilang kinatawan ng Karapatan Human Rights Alliance, kasama ng mga kaanak ng mga biktima ng war on drugs.

Nabatid na naghahanda ang mga ito ng pagsasagawa ng protesta sa labas ng ICC sa Nobyembre 29, sa pakikipag-ugnayan na rin ng mga kawani ng naturang korte.

Nilinaw naman ni Manuel na hindi ito pagkilos upang pigilin nag paglilitis kundi pagpapakita na nais nila na gumana ang mekanismo ng judicial system.

Nais umano nilang mabigyan ng linaw ang mga naging paglabag sa karapatan ng mga Pilipino sa ilalim ng war on drugs ng dating administrasyon.

Dagdag pa nito na nais rin nilang masiguro na hindi na muling magkakaroon ng kaparehong mga pag-abuso sa karapatan ng mamamayan.