LEGAZPI CITY-Nakapagtala ng mahigit P11 milyong pisong sales ang “Saod Trade Fair” ng Department of Trade and Industry (DTI) Albay na ginanap sa Shangri-La Plaza sa Mandaluyong City.
Sa isang panayam ng Bombo Radyo Legazpi, sinabi ni DTI Albay Provincial Director Noel Bunao na nalampasan nito ang target na P10 milyong sales para sa nasabing aktibidad.
Naging matagumpay ang kaganapan sa pakikilahok ng nasa 45 Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs) na nagtampok ng kanilang mga produkto mula sa lalawigan ng Albay.
May kabuuang 225 produkto ang itinampok dito, at karamihan sa mga ito ay naubos ang benta.
Kabilang sa mga produktong ito ang mga ceramics, processed foods, mga bag, dekorasyong pamasko, at mga handicraft. Sinabi niya na ang mga promosyon at suporta mula sa pamahalaang panlalawigan at mga lokal na pamahalaan sa lalawigan ay malaki rin ang naging ambag para sa tagumpay ng maliliit na negosyo.
Ang mga produktong ito ay dumaan din sa pagsusuri ng DTI, partikular na sa packaging at pagsunod sa mga kinakailangang regulasyon, na tinitiyak ang kalidad ng mga produkto.











