LEGAZPI CITY- Muling nakaranas ng ashfall sa ilang bahagi ng Albay nitong umaga, mula sa bulkang Mayon.
Dulot ito ng naitalang short lived lava fountaining at pyroclastic density current sa naturang bulkan.
Ayon kay Mayon Volcano Observatory Science Research Specialist Doreen Abelinde sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na kabilang sa mga naapektuhan ng pagbagsak ng abo ang ilang bahagi ng bayan ng Bacacay at Malilipot.
Ang pyroclastic density current o uson ay tumagal ng 15 minuto.
Dagdag pa ng opisyal na sa nakalipas na mga araw ay patuloy na nakakapagtala ng weak explosion o minor strombolian activity.
Maliban dito ay sinabi ni Abelinde na nitong nakalipas na Biyernes at Sabado ay nagkaroon ng mataas na sulfur dioxide emission kaya naglabas ng babala ang naturang tanggapan.
Sa kabila nito ay wala pa umanong sapat na batayan na itaas sa alert level 4 ang bulkang Mayon.











