LEGAZPI CITY-Inisyuhan ng subpoena ng Department of Labor and Employment (DOLE) si Ateneo de Manila University men’s basketball team head coach Tab Baldwin.
Ayon kay DOLE Acting Secretary Francis Tolentino na ipapatawag si Ateneo Blue Eagles head coach Tab Baldwin sa tanggapan sa Lunes, alas-10:00 ng umaga, upang ipaliwanag ang kanyang legal na estado sa pagtatrabaho sa bansa.
Ayon pa sa kalihim, sa ilalim ng Article 40 ng Labor Code ng Pilipinas, may kapangyarihan at awtoridad ang ahensya na busisiin ang employment status ng sinumang dayuhan sa bansa.
Aniya, walang dayuhang nagtatrabaho sa bansang ito ang mas mataas sa batas, anuman ang kanilang katayuan, reputasyon, o ang institusyong kanilang kinakatawan.
Si Coach Baldwin aniya ay nagtatrabaho sa Pilipinas, at sakop ng labor laws ng Pilipinas at layunin ng kautusan na i-beripika kung may hawak na balido at kasalukuyang alien employment permit si Baldwin.
Nilinaw naman ng kalihim na ang pag-subpoena kay Coach Baldwin ay hindi persecution kundi pagtalima sa rule of law.
Ang direktiba ay isinagawa kasunod ng trahedya noong Hunyo 8 kung saan dalawang manlalaro ng Ateneo na sina Rene Baterbonia at Divine Adili, ang nalunod sa isang team-building activity sa isang resort sa Dipaculao, Aurora.











