LEGAZPI CITY—Iginiit ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na hindi kailangang mag-alala ang publiko sa ngayon kaugnay sa nagpapatuloy na minor strombolian activity ng bulkang Mayon.

Ayon kay PHIVOLCS Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division Chief Mariton Bornas, sa panayam sa Bombo Radyo Legazpi, hindi nila nakikita ang pagtaas sa intensity ng mga aktibidad ng nasabing bulkan.

Aniya, na sa kasalukuyan, ay medyo steady pa ang behavior o aktibidad ng bulkan at hindi pa ito concerning kung saan nakikita na ang mas malalakas na strombolian activity o pagtaas o paglakas ng lava fountain.

Dagdag pa niya, na medyo halos homogeneous ang katangian ng magma na iniluluwa ng bulkan at walang gaanong pagbabago sa pag-akyat ng magma sa bulkang Mayon.

Gayunpaman, sa kabila ng pagiging stable o o steady an behavior nito sa ngayon ay hindi pa rin nila iminumungkahi ang pagbabalik ng mga residenteng naninirahan sa 6-kilometer permanent danger zone (PDZ) dahil wala pa silang nakikitang anumang pagbaba sa aktibidad nito.

Mariin ding babala ng opisyal na huwag pumasok sa 6-km PDZ habang hindi pa natatapos ang aktibidad ng bulkan.

Samantala, nagbabala rin si Bornas laban sa pagpapakalat ng pekeng balita tungkol sa bulkan at tingnan lamang aniya ang kanilang website at mga social media pages para sa karagdagang impormasyon tungkol sa kasalukuyang kalagayan ng bulkang Mayon.