PHIVOLCS denies the reports that Mayon volcano has side vent

LEGAZPI CITY- Pinabulaanan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology ang kumakalat na mga reports na nagkaroon umano ng side vent ang Bulkang Mayon kasunod ng mga aktibidad nito sa nakalipas na mga araw.

Nagdulot kasi ng pagkabahala sa publiko ang umano’y side vent na panibagong nilalabasan ng volcanic materials.

Ayon kay Mayon Volcano Observatory Officer-in-Charge Science Research Specialist I Doreen Abelinde sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na imposible itong mangyari dahil ang Mayon volcano ay mayroong labasan ng lava na mula sa crater.

Aniya, ash plume lamang ang naitala at hindi pagkakaroon ng side vent, maliban na lamang kung mayroong major events na maaaring makasira sa structural integrity ng bulkan.

Paliwanag pa ng opisyal na ang naitala sa nakalipas na mga araw na tinutukoy ng iilan ay ang ash plume na mula sa Bonga gully.

Sinabi ni Abelinde na nagkaroon ng pyroclastic density current kung saan ang dumadaloy na lava ay nag collapse dahil sa patuloy na pag-abanse nito sa naturag gully.

Habang dumadaloy aniya ang lava ay tumitigas ito kaya habang umaabante ay nagko-collapse o nagkakaroon ng crack.