LEGAZPI CITY—Naka-heigtened alert na ngayon ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard Bicol bilang paghahanda sa napapalapit na Semana Santa.
Ayon kay Coast Guard Bicol Spokesperson Lieutenant Junior Grade Alyzza Bermal, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nag-deploy na sila ng mga tauhan sa iba’t ibang coast guard stations sa buong Bicol region kung saan magsisimula ang kanilang seguridad ngayong araw ng Sabado, Marso 28, hanggang Abril 5.
Aniya na aabot sa mahigit 600 na coast guard personnel ang kanilang ipapakalat para sa Semana Santa gayundin sa summer operations.
Ayon kay Bermal tumutukoy ang heightened alert status sa pagpapaigting ng kanilang ahensya sa seguridad ng mga pantalan sa rehiyon.
Inaasahan din na aabot sa 30,000 ang mga pasaherong dadagsa sa iba’t ibang pantalan sa Bicol.
Samantala, paalala ni Bermal sa publiko na maging maaga sa mga pantalan, iwasan ang pagdala ng maraming bagahe at sumunod sa mga ipinapatupad na mga protocols at makipagtulungan sa mga awtoridad.
Tiniyak din nito na 24/7 na nakabantay ang kanilang tanggapan sa lahat ng pantalan sa Bicol na maaaring puntahan kung mayroong mga katanungan o iba pang emerhensya.











