
LEGAZPI CITY – Pinaalalahanan ng beteranong EDSA Leader ang mga kabataang Pilipino kaugnay ng paggunita ngayon ng ika-40 anibersaryo ng 1986 EDSA People Power Revolution.
Ayon kay EDSA veteran Leader Jessie Severino sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, bilang isa sa mga nakasaksi sa makasaysayang pangyayari sa bansa, huwag dapat kalimutan ng mga kabataan ang mga aral at pagkakaisa upang humingi ng pagbabago sa gobyerno.
Ipinunto niya na nakakalimutan na ngayon ng mga Pilipino na mayroon silang kapangyarihang baguhin ang gobyerno sa pamamagitan ng pagkakaisa laban sa mga problemang pilit na bumabalik tulad ng kaliwa’t kanang korapsyon.
Binigyang-diin din niya na walang mangyayari kung palagi silang nagsasagawa ng mga protesta ngunit pinipilit nila ang maling kandidato na umupo kung saan ang ilan sa kanila ay napatawad na sa kanilang mga kasalanan laban sa bayan.
Sa kabila nito, umaasa ang beteranong pinuno na ang mga kabataan pa rin ang pag-asa ng bayan kaya dapat nilang maramdaman ang diwa ng EDSA pati na rin ang pumili ng mga tamang pinuno at magkaroon ng lakas ng loob na baguhin ang bansa sa gitna ng iba’t ibang problema.
Naniniwala rin si Severino na kung gagawin ng mga kabataan ngayon ang ginawa nila noong 1986, magdudulot ito ng pressure sa gobyerno na pagbutihin ang kanilang mga serbisyo sa sambayanang Pilipino.










