LEGAZPI CITY- Mas pinapalakas pa ng mga ahensya ng pamahalaan ang suporta sa mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) kasabay ng kanilang pagbabagong buhay
Ito ay kasunod ng pormal na paglagda ng kasunduan sa pagitan ng Department of Science and Technology Bicol at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Bicol ng Project BRIDGE o Building Reintegration, Individual Development, and Growth for Empowerment.
Ayon kay DOST Bicol Director Rommel Serrano sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na magbibigay ang tanggapan ng mga science based solutions upang magkaroon ng marami pang programa na makakatulong sa reintegration program ng BJMP.
Kabilang sa mga ito ang mas pagpapabuti pa ng mga livelihood programs ng mga PDLs upang maging produktibo pa rin ang mga ito habang nagbabagong buhay.
Paliwanag ng opisyal na paraan ito upang makatulong pa rin ang mga PDLs sa kanilang mga pamilya.
Ayon kay Serrano na hindi lamang sa produksyon ang tututukan ng kanilang hanay kundi sa management upang maturuan ang mga ito sa larangan ng pagni-negosyo.
Aniya, layunin nito na mas mapalawak pa ang kaalaman ng mga PDLs lalo na ang may mga potensyal. (Photo courtesy: PIA Bicol Region)











