LEGAZPI CITY—Inihayag ng isang resident volcanologist na nananatiling imposible pa rin na itaas sa alert level 4 ang bulkang Mayon.


Ayon kay Mayon Volcano Observatory Resident Volcanologist Dr. Paul Alanis, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, sa kasalukuyan ay wala pa silang nakikitang pagdagdag o matiniding pagputok na makapagsasabi na dapat nang itaas ang alerto ng bulkan.


Bagama’t nagpapatuloy ang aktibidad ng bulkan kagaya ng lava effusion, rockfall events, pagbuga ng Pyroclastic Density Currents o uson, at volcanic earthquakes, ay wala pa silang nakikitang anumang pagbabago sa level nito.


Binigyang-diin din ng opisyal na walang epekto ang nararanasang shearline sa pagputok ng bulkang Mayon.


Samantala, patuloy naman na pinapaalalahanan ni Alanis ang publiko na iwasan ang pagpasok sa 6-kilometer radius Permanent Danger Zone ng bulkan; gayundin sa mga piloto na iwasan ang pagpapalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa palibot ng bulkan dahil sa posibilidad ng pagsabog at iba pang posibleng peligro na mararanasan mula rito.