price freeze
price freeze

LEGAZPI CITY- Magpapatupad ng price freeze sa ilang mga lugar sa lalawigan ng Albay na isinailalim sa state of calamity sa gitna ng nagpapatuloy na aktibidad ng bulkang Mayon.

Ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Albay Provincial Director Noel Bunao sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na una silag magpapalabas ng kautusan sa lungsod ng Tabaco.

Matatandaan kasi na idineklara ang state of calamity sa Tabaco City dahil sa pagdami ng mga inilikas na residente na apektado ng pag-aalburuto ng bulkang Mayon.

Sa bayan ng Camalig naman ay hinihintay na lamang umano ang kopya ng resolusyon dahil tanging tatlong barangay lamang ang isinailalim sa state of calamity.

Layunin nito na mapigilan ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin lalo na sa gitna ng kalamidad sa lalawigan.

Kaugnay nito ay sinabi ni Bunao na pinapaalalahanan na ang mga business establishments na sumunod sa mga ipinapatupad na polisiya.

Samantala, sa kasalukuyan ay sumusunod naman umano ang lahat sa umiiral na suggested retail price.

Nagpahayag naman ng kahandaan ang tanggapan na magbigay ng asistensya sa mga Albayanong apektado ng aktibidad ng bulkan.