LEGAZPI CITY- Nagsasagawa na ng disinfection ang mga lokal na opisyal sa San Jose Elementary School sa bayan ng Malilipot, Albay matapos maitala ang mga kaso ng hand, foot and mouth disease sa ilang mga Mayon evacuees.
Ayon kay Albay Provincial Health Office Food and Water-borne disease Coordinator Anthony Ludovice sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na bagamat nailipat na sa tent city ang mga evacuees ay kinakailangan na ma-disinfect ang mga classrooms upang masiguro na ligtas para sa pagbabalik ng face-to-face classes ng mga mag-aaral.
Nabatid na limang mga bata ang tinamaan ng hand, foot and mouth disease na ngayon ay naka isolate na.
Hindi umano inihahalo sa general public sa evacuation tents ang mga ito hanggang sa tuluyang gumaling upang masiguro na hindi na makakahawa pa.
Ayon sa opisyal na posibleng sa mismong evacuation centers na nakuha ng mga biktima ang naturang sakit kasunod ng halos isang buwan na pamamalagi ng mga ito.
Kaugnay nito ay muling nanawagan si Ludovice na panatilihin ang kalinisan ng mga evacuation centers at siguruhin ang tamang hygiene upang maiwasan ang anumang karamdaman.











