Photo: 9ID, Philippine Army

LEGAZPI CITY- Binawian ng buhay ang isang kasapi ng New Peoples Army matapos umano itong atakihin sa puso habang tumatakas sa combat operations ng mga kinauukulan.

Ayon kay 9th Infantry Division Public Affairs Office chief Major Frank Roldan sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na puspusan ang pagsasagawa ng mga operasyon ng 49th Infantry Battalion at ilang ulit ng muntik makasagupa ang grupo ng naturang biktima kaya nagtatago at tumatakas ang mga ito.

Ang naturang miyembro ng New Peoples Army ay kasapi umano ng Sub-Regional Committee 5 ng Bicol Regional Party Committee.

Binawian ito ng buhay habang kasama ang kaniyang mga ka-grupo.

Dagdag pa ni Roldan na tinangka pa ng mga kaanak nito na ibiyahe ang bangkay mula Barangay Balolo sa bayan ng Guinobatan upang ipa-cremate sana subalit naharang ng mga kinauukulan.

Kaugnay nito ay muling nanawagan ang opisyal sa natitira pang mga miyembro ng Bicol Regional Party Committee na sumuko na dahil wala na umanong saysay ang kanilang mga sakripisyo at upang makapagbagong buhay na kasama ang kanilang pamilya.