Mayon danger zone

LEGAZPI CITY- Apektado na rin ng aktibidad ng bulkang Mayon ang aquaculture sa ilang bayan sa lalawigan ng Albay.

Ayon kay Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Bicol spokesperson Rowena Briones sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na tanging ang bayan ng Malilipot pa lamang ang nagsumite ng ulat sa mga naapektuhan na fish ponds.

Nabatid na umabot na sa 1.3 metric tons ng tilapia ang naapektuhan ng aktibidad ng bulkan o katumbas ito ng nasa P200,000 na pagkalugi sa nasa 19 na mga fisherfolks sa naturang bayan.

Ang ilan umano sa mga ito ay naapektuhan ng ashfall habang ang iba ay hindi na naasikaso matapos ang paglikas ng mga residente mula sa 6km radius permanent danger zone.

Sinabi rin ni Briones na sa kasalukuyan ay hindi pa pinapayagan ang tanggapan na magsagawa ng water quality test dahil sa banta ng aktibidad ng bulkang Mayon.

Samantala, siniguro naman ng opisyal na may nakahandang mga fingerlings na maaaring ipamahagi sa mga apektadong fisherfolks.

Dagdag pa nito na nagsumite na sila ng report sa central office para sa iba pang tulong na maaaring ibigay sa mga apektadong residente.