The Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) has noted an increase in the number of recorded volcanic earthquakes at Mayon Volcano, which is currently at alert level 3 status.

LEGAZPI CITY – Napansin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang pagtaas sa bilang ng mga naitatalang volcanic earthquakes ng Bulkang Mayon na kasalukuyang nasa alert level 3 status.

Ayon kay PHIVOLCS Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division Chief Mariton Bornas sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ang low frequency volcanic earthquake na kanilang naitatala ay itinuturing na senyales ng paglabas ng volcanic gas mula sa magma.

Dahil dito, inaasahan nila ang mga minor strambolian activities sa bunganga at pagtaas ng sulfur dioxide emission mula sa bulkan.

Bukod dito, napansin din nila na ang lava flow sa Mi-isi, Bonga, at Basud gullies ay humahaba ngunit ang paggalaw nito ay bumabagal kapag narating nila ang paanan ng bulkan na nagiging sanhi ng pagtigas nito.

Ipinaliwanag ng opisyal na ang distribusyon ng mga lava flow ay kasalukuyang nagsa-sanga-sanga, na umaabot sa 3KM ang pinakamahaba mula sa bunganga ng bulkan hanggang sa tatlong pangunahing gullies ngunit hindi nila ito inaasahan na lalabas sa 6KM permanent danger zone.

Binigyang-diin ni Bornas na batay sa mga kalkulasyon ng kanilang quick response team, umabot na sa mahigit 17 milyong cubic meters ang dami ng mga deposito na inilabas ng bulkan simula pa nang mag-alburuto ito noong nakaraang mga linggo.