LEGAZPI CITY- Siniguro ni Albay Governor Noel Rosal na naibibigay ng maayos ang pangangailangan ng Mayon evacuees sa kasalukuyan.
Ayon sa gobernador sa panayam ng Bombo Bombo Radyo Legazpi na normal pa naman ang supply ng pagkain, gamot, tubig at iba pa para sa mga inilikas na residente na apektado ng pag-aalburuto ng bulkang Mayon.
Katunayan, nakapagbigay na umano ng food packs ang pamahalaang panlalawigan sa tulong ng Department of Social Welfare and Development Bicol na sasapat hanggang Pebrero 4.
Maliban dito ay nakapamahahi na rin ng sleeping kit at hygiene kit sa mga evacuees.
Samantala, ng matanong ang gobernador hinggil sa epekto ng hindi pa naaaprubahan na 2026 budget ng lalawigan ng Albay, sinabi nito na wala pa itong direktang epekto sa nagpapatuloy na Mayon response dahil mayroon pa namang pondo ang lalawigan.
Subalit aminado si Governor Rosal na sa paglipas ng panahon ay posibleng mahirapan na sa pagbibigay ng sustainable na pagkain, gamot at iba pa sa mga evacuees, kung hindi maipapasa ang pondo.
Hanggang sa ngayon kasi ay hindi pa naaaprubahan ang 2026 budget ng Albay dahil sa umano’y hindi pa nasusumite na mga dokumento na hinihingi ng Sangguniang Panlalawigan.











