
LEGAZPI CITY – Naghain ng warrant of arrest ang mga tauhan ng Albay Police Provincial Office (PPO) at National Bureau of Investigation laban sa gaming business tycoon na si Charlie ‘Atong’ Ang sa isang farm sa Libon, Albay.
Matatandaan na si Ang ang itinuturing na number one most wanted sa buong Pilipinas na nahaharap sa mga kasong may kaugnayan sa mga nawawalang sabungero.
Gayunpaman, ayon kay Albay PPO Provincial Director Police Colonel Noel Nuñez sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, hindi nila naabutan ang suspek sa nasabing lugar habang inihahain ang warrant para sa 5 counts ng kidnapping with homicide at 6 counts ng kidnapping at serious illegal detention.
Nilinaw din niya na matapos nilang matanggap ang kopya, agad silang nakipag-ugnayan sa mga Opisyal ng Barangay na nakakasakop sa farm at tanging ang caretaker lamang ang tumanggap ng kopya ng warrant.
Sinabi ng opisyal na batay sa backtracking ng mga awtoridad, napag-alaman na madalas pumunta sa nasabing farm ang puganteng si Ang noong panahon ng pandemya na siyang naging batayan ng pagsisilbi ng warrant.
Punto pa ni Nuñez na dahil hindi nila natagpuan si Ang sa nasabing lugar, nakatakdang ibalik ang kopya ng warrant sa korte na nagpalabas nito.









