milky-white river in Manito, Albay

LEGAZPI CITY- Pinawi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology ang pangamba ng publiko matapos ang nangyaring pagbabago ng kulay ng isang ilog sa bayan ng Manito, Albay.

Matatandaan na nagdulot ng pangamba sa ilang mga residente sa lugar matapos mapansin na naging mala-kulay gatas ang dating malinaw na tubig sa ilog sa lugar.

Ayon kay Phivolcs Supervising Science Research Specialist Dr. Paul Alanis sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na ang naturang pangyayari ay walang kinalaman sa aktibidad ng bulkang Mayon.

Paliwanag ng opisyal na ang bayan ng Manito ay kilala bilang thermal area kung saan rin matatagpuan ang Nag-aso boiling lake.

Aniya, naging ang lupa sa lugar ay umuusok sa ilang pagkakataon.

Dagdag pa ni Alanis na matatagpuan rin sa Manito ang Pocdol hills na inactive volcanic cones at kahit hindi ito aktibo ay nananatiling mainit ang ilalim na kung madadaanan ng tubig ay lalabas bilang hot spring.

Ang pagbabago umano ng kulay ng tubig sa naturang ilog ay posibleng dulot ng chemical reactions sa pagitan ng sulfur at iba pang mineral.