
LEGAZPI CITY – Suportado ng Act Teacher’s Partylist ang impeachment complaint na inihain sa Kamara laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil sa umano’y pagkakasangkot niya sa 2025 corruption scheme na may kinalaman mga unprogrammed appropriations, at iba pang mga isyu.
Matatandaan na ang nasabing reklamo ay inihain ni Atty. Andre de Jesus na inendorso ni Deputy Minority Leader at Pusong Pinoy party-list Rep. Jernie Nisay.
Ayon kay Act Teacher’s Partylist Representative Antonio Tinio sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, may batayan ang pagsasampa ng impeachment complaint dahil sa sistematikong pandarambong ng pondo ng Department of Public Works and Highways.
Punto niya na kasama sa reklamo ang hindi pag-veto ng mga unprogrammed appropriations at iba pang iba pang unconstitutional provisions sa mga General Appropriations Acts para sa 2023, 2024, 2025, asin 2026 na isa sa mga responsibilidad nito bilang pangulo ng Pilipinas.
Idinagdag pa ng opisyal ang paratang ni dating DPWH Undersecretary na si Roberto Bernardo na naghatid siya ng mga kickback sa Pangulo ay isa sa mga malinaw na batayan para sa impeachment.
Binigyang-diin ni Tiño na ipagpapatuloy nila ang panawagan ng mga taumbayan na panagutin ang mga pulitikong sangkot at hindi sila titigil sa paniningil kahit saan man ito mapunta.










