LEGAZPI CITY- Patuloy na dumarami ang mga stranded na pasahero at mga sasakyan sa Matnog port sa Sorsogon matapos makansela ang biyahe dahil sa bagyong Ada.
Ayon kay Sorsogon Police Provincial office Spokesperson Police Major Arwin Destacamento sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na batay sa tala kaninang alas-9 ng umaga ay nasa 489 na mga sasakyan at 1, 481 na mga pasahero ang straned sa naturang pantalan.
Subalit ang naturang bilang ay patuloy pa umanong tumataas dahil may mga dumarating pang biyahero na nagnanais na makatawid patungong Visayas.
Sinabi ng opisyal na karamihan sa mga stranded passengers ay bumiyahe mula sa Metro Manila kahapon kung saan hindi pa nakakapagpalabas ng sea travel advisory.
Subalit pagdating ng mga ito sa pantalan ay naitaas na ang tropical cyclone wind signal sa lalawigan ng Sorsogon na nangangahulugan ng otomatikong kanselasyon ng biyahe.
Dahil dito ay sinabi ni Destacamento na nakikipag-ugnayan na ang Land Transportation Office Sorsogon sa central office upang maiwasan na ang biyahe ng mga bus patungo sa lalawigan.
Samantala, siniguro naman ng opisyal na mahigpit na binabantayan ng mga kapulisan ang seguridad ng mga stranded na pasahero.
FILE PHOTO











