LEGAZPI CITY- Nakakaranas na ng sakit ang ilan sa mga inilikas na residente sa Tabaco City, Albay dahil sa mga pag-ulan at malamig na temperatura.
Subalit ayon kay Tabaco City Health Officer Dr. Leizel Cuales Duncan sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na wala pa namang dapat ikabahala ang publiko dahil napamamahalaan naman ng maayos ang sitwasyon.
Aniya batay sa tala, sa 1, 786 na mga evacuees sa lungsod ay nasa 25 pa lamang ang nagpakonsulta sa kanila.
Karaniwan umanong karamdaman ng mga ito ay ang hypertension, ubo at sipon.
Kaugnay nito ay ipinag-utos na umano ng alkalde ng lungsod ang paghahanda ng flu vaccine bilang karagdagang proteksyon sa kalusugan ng mga evacuees sa gitna pa rin ng Mayon unrest.
Samantala, nagbabala naman si Dr. Duncan na ugaliing magsuot ng facemask dahil posibleng ma-trigger ang may mga asthma lalo pa kung magkakaroon ng ashfall at iba pang aktibidad ang bulkang Mayon.
Siniguro naman ng opisyal na 24/7 na bukas ang kanilang mga clinic sa loob ng mga evacuation centers.











