LEGAZPI CITY- Nakakaranas ngayon ng mababang supply ng dugo sa mga blood centers sa Bicol region dahil sa kakaunting mga blood donors.
Ayon kay Department of Health Bicol Donor Recruitment Officer Nicole Anne Bejo sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na mayroon ring epekto ang kasalukuyang alert level ng bulkang Mayon sa depleted na stocks ng dugo sa mga blood centers.
Paliwanag ng opisyal na karaniwang nagsasagawa ng mga mobile blood donation sa mga local government unit subalit sa kasalukuyan ay hindi ito nagagawa dahil sa paglikas ng mga residente.
Matatandaan kasi na maraming mga Albayano ngayon ang nananatili sa mga evacuation centers dahil sa nagpapatuloy na aktibidad ng bulkang Mayon.
Aniya, nauunawaan naman nila na prayoridad ngayon ng mga lokal na pamahalaan ang seguridad at kaligtasan ng kanilang mga nasasakupan lalo na ang mga nasa Mayon unit area.
Sinabi ni Bejo na matindi ang pangangailanga ng dugo sa buong taon kaya malaking epekto para sa mga pasyente ang mababang supply ng dugo.
Dahil dito, isa umano sa mga istratehiya ngayon ng mga blood centers ay ang paghingi ng tulong ng iba pang mga grupo at organisasyon na magpadala ng blood donors.











