Mayon volcano
Mayon volcano

LEGAZPI CITY—Nagsagawa ng emergency meeting ang lokal na pamahalaan ng Camalig, Albay tungkol sa paghahanda kasunod ng mga naitalang aktibidad at pagtaas sa Alert Level 2 ng Bulkang Mayon.


Ayon kay LGU Camalig Public Information Officer Tim Florece, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nakatuon ang kanilang pag-uusap sa mga hakbang kung sakaling mag-alburoto ang naturang bulkan.


Sa kasalukuyan aniya ay ipapatupad ng kanilang opisina ang mahigpit na monitoring sa bulkan sa pakikipag-ugnayan sa ilang barangay na nakapaloob sa Mayon Units kagaya ng Barangay Anoling, Tumpa, Sua, Quirangay, Cabangan at Salugan.


Katuwang ang mga nasabing lugar ay posible ring itakda ang pagrepaso sa kanilang contigency plans kung sakalig lumalala ang sitwasyon.


Paliwanag pa ng opisyal na sa pagpapatupad ng monitoring ay ipinagbabawal din ang anumang human activities kasama ang quarrying sa loob ng 6 km Permanent Danger Zone at 7 km Extended Permanent Danger Zone ng bulkan.


Dagdag ni Florece, na kung sakali man na lumala ang sitwasyon ay pinapayuhan ang mga residente na pumunta sa kani-kanilang designated evacuation centers.


Aniya ang mga residente ng Barangay Tumpa ay mananatili sa Taladong Elementary School; Barangay Sua sa Camalig Bungkaras Evacuation Center; mananatili naman ang mga residente ng Barangay Quirangay sa Bariw Elementary School at Bariw National High School; sa Cotmon National High School mananatili ang mga residente ng Barangay Salugan at Cabangan; habang ang mga residente ng Barangay Anoling ay mananatili sa Baligang Elementary School.


Samantala, naka-blue alert status na rin ang kanilang Emergency Operations Center dahil sa naturang pagtaas ng alert level ng bulkan.