A woman is now behind bars after illegally selling prohibited fireworks online.

LEGAZPI CITY – Himas rehas ngayon ang isang babae matapos ilegal na magbenta ng mga ipinagbabawal na paputok online.

Ayon kay Albay Police Provincial Office Provincial Director Police Colonel Noel Nuñez sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ang suspek ay kinilalang si alyas “Maria”, 54 taong gulang at residente ng Guinobatan ng kaparehong probinsya.

Sa isinagawang entrapment operation ng mga awtoridad, walang ipinakitang permit ang suspek sa pagbebenta ng mga paputok na ibinenta niya sa pamamagitan ng Facebook Messenger at personal na inihatid sa kanyang mga parokyano.

Dose-dosenang ilegal na paputok tulad ng picolo, great bawang, at pop-pop, boodle money, at isang cellphone na pinaniniwalaang ginagamit para sa mga online na transaksyon ang nakumpiska sa suspek.

Maituturing ni Nuñez ang operasyon bilang isang malaking tagumpay lalo na’t lubhang mapanganib ang mga paputok mula sa mga ilegal na nagtitinda na iniaalok nila sa social media.

Kasalukuyang nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 7183 o Firecracker Law at Cybercrime Prevention Act of 2012 habang nananatili siya sa kustodiya ng Guinobatan Municipal Police Station para sa wastong disposisyon.