LEGAZPI CITY- Pumalo na sa daan-daang mga maliliit na pagyanig ang naitala sa lalawigan ng Masbate sa nakalipas na mga oras dahil sa earthquake swarm.
Ayon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology Director Teresito Bacolcol sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na batay sa tala kaninang umaga ay pumalo na sa 350 ang mga naitalang mahihinang pagyanig sa lalawigan at posible pa umano itong madagdagan.
Nasa pagitan naman ng magnitude 1.7 hanggang magnitude 3.1 ang naturang mga pagyanig na nagsimula alas-9 ng umaga kahapon.
Paliwanag ng opisyal na nangyayari ang ganitong mga aktibidad tuwing nagkakaroon ng paggalaw sa fault line.
Pinawi naman ni Bacolcol ang pangamba ng publiko dahil halos hindi naman aniya ito nararamdaman ng mga tao subalit pinapa alerto pa rin ang mga mamamayan.
Dagdag pa nito na mayroon na ring komunikasyon ang tanggapan sa mga lokal na pamahalaan sa Masbate para sa nagpapatuloy na monitoring sa sitwasyon.











