
LEGAZPI CITY – Binigyang-diin ng isang toxic watchdog group ang mahigpit na pagbabantay laban sa mga produktong ireregalo sa mga bata ngayong Pasko at Bagong Taon, partikular na ang mga laruan at torotot.
Ayon kay Ban Toxic Campaigner Thony Dizon sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ito ay kasunod ng pagtaas ng bilang ng mga nagtitinda ng mga produktong gawa sa plastik na mapanganib lalo na’t kontaminado ito ng mga mapanganib na kemikal.
Ipinaliwanag niya na sa labindalawang torotot na kanilang binili mula sa malalaking pamilihan sa bansa na kanilang isinailalim sa pagsusuri, natuklasang kontaminado ang mga ito ng lead, mercury at hindi pa kumpleto ang impormasyon ng produkto sa mga pakete.
Sinabi ng opisyal na dapat sundin ng mga lokal at international manufacturer ng torotot ang toy and game safety labeling law dahil dapat itong malaman agad sa pakete kung ligtas ba o hindi ang isang produkto.
Paalala ni Dizon na mahalagang gabayan ng mga magulang ang kanilang mga anak hinggil sa paggamit ng mga alternatibong pa-ingay upang ligtas na maipagdiwang ng mga bata ang bagong taon.










