LEGAZPI CITY—Na-relieve sa pwesto ang sampung kapulisan sa Magallanes Municipal Police Station sa Sorsogon, matapos na madiskubreng wala umano sa hepatura ang kanilang hepe at hindi pagsuot ng uniporme habang nasa duty ang mga ito.

Ayon kay Sorsogon Police Provincial Office Public Information Officer Police Major Arwin Destacamento, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, bahagi ito ng action taken at corrective measure ng kanilang provincial command matapos na mag-inspeksyon sa nasabing opisina si Sorsogon Governor Boboy Hamor at naabutang ang naturang sitwasyon.

Paliwanag ng opisyal na wala umano ang hepe sa istasyon dahil sa may pinuntahan umano itong mahalagang bagay.

Aniya ay kasalukuyang ina-assign ang outgoing chief of police sa ibang seksyon ng kanilang ahensya upang hanapan ito ng panibagong posisyon.

Habang ang iba namang pulis ay mapapalitan sa pwesto at tinitingnan pa ang mga posibleng gagawin para rito upang kahit papano ay ang mga napalitan at ang nagpalit sa pwesto ay mananatiling pareho ang gagampanan ng kanilang mga command.

Binigyang-diin ng opisyal na parte ito ng administrative sanction at improvements ng kanilang hanay.