LEGAZPI CITY- Pinaghahandaan na ngayon ng lalawigan ng Catanduanes ang posibleng epekto ng bagyong Wilma lalo pa at nakakaranas na ng mga pag-ulan sa rehiyong Bicol.
Ayon kay Catanduanes Governor Patrick Azanza sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na marami pang mga residente sa island province ang hindi pa nakakabangon mula sa epekto ng bagyong Uwan.
Nabatid na nasa mahigit 39,000 na mga kabahayan ang naitala na partially damaged at totally damaged dahil sa naturang sama ng panahon.
Paliwanag ng gobernador na sa kasalukuyan ay nasa 1, 264 pa lamang ang nabibigyan ng yero habang ang iba ay trapal pa lamang ang ginagamit bilang bubong.
Dahil dito ay ikinababahala na maraming mga residente ang maapektuhan ng mga pag-ulan na dulot ng bagyong Wilma.
Ayon kay Governor Azanza na may mga nakahanda naman na mga evacuation centers kung sakaling kailangan na ilikas ng mga residente na maaapektuhan ng naturang sama ng panahon.











