The House Ethics Committee's move to take down Cavite 4th District Rep Kiko Barzaga's social media posts is questionable for a political analyst.

LEGAZPI CITY – Kaduda-duda para sa isang political analyst ang hakbang ng House Ethics Committee na pagpapa-take down sa mga post ni Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga sa social media.

Matatandaan na binigyan si Barzaga ng ultimatum na tanggalin ang kanyang mga post sa social media bilang bahagi ng kanyang suspensyon dahil sa umano’y disorderly behavior.

Ayon kay Atty. Michael Henry Yusingco sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, karamihan sa mga post sa social media na ginamit ng House Ethics Committee laban sa sinuspindeng mambabatas ay nai-post noong hindi pa ito kongresista.

Aniya, ang hakbang na ito ay nagpapakita ng paglabag sa kalayaan sa pagpapahayag ni Barzaga.

Ngunit ipinunto niya na ang pag-post ng mga malaswang larawan ay hindi kailanman magiging bahagi ng malayang pananalita lalo na kung ikaw ay isang halal na opisyal.

Ang hakbang umano ay magsisilbing babala sa lahat ng mambabatas na ang sinumang mag-post o magpahayag ng opinyon laban sa ilang opisyal ng gobyerno ay sususpindihin.

Pinaalalahanan din ni Yusingco ang publiko na matuto mula sa suspensyon ni Rep. Barzaga at isipin ang mga taong magbabasa ng kanilang mga post sa social media.