LEGAZPI CITY—Sugatan ang isang katao matapos ang nangyaring banggaan ng dalawang sasakyang pandagat sa bayan ng Matnog, Sorsogon.
Ayon kay Coast Guard Station Sorsogon Acting Commander Lieutenant Junior Grade Dexter Maristela, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nakatanggap sila ng ulat na nagkaroon ng banggaan sa pagitan ng isang waterbanca at motor vessel sa baybayin ng Barangay Calintaan ng nasabing bayan.
Batay sa salaysay, nagmula umano sa Barangay Calintaan ang waterbanca at patungo sana sa Capul, Samar; habang nagmula naman sa Matnog port ang motor vessel na papuntang Maya Port, Cebu.
Naging sanhi umano ng banggaan ang miscalculations ng dalawang kapitan ng mga nasabing sasakyan.
Dagdag pa ng opisyal na dinala sa ospital ang isang indibidwal dahil sa tinamo nitong mga sugat sa kanyang katawan.
Aniya, sasagutin ng shipping company ang lahat ng gastusin sa pagpapagamot sa biktima, gayundin ang pagpapa-ayos sa lahat na tinamong pinsala ng waterbanca.
Sa kasalukuyan, plano rin nilang magsagawa ng imbestigasyon ng marine casualty investigation upang malaman kung sino ang tunay na may kasalanan at mabigyan ng nararapat na parusa kung may pagkukulang sa pamamahala ng dalawang sasakyang pandagat.
Samantala, paalala ng opisyal sa mga mangingisda lalo na sa kanilang nasasakupan na kung sakaling makakita ng mga sasakyang-dagat ay dapat alamin ang kanilang mga ruta at linya ng mga ito. Gayundin, kung maaari ay iwasan ang mga ito dahil sa may sinusunod na linya ang mga barkor tuwing bumabiyahe sa karagatan.









