
LEGAZPI CITY – Binatikos ng isang mambabatas ang pahayag ng Department of Trade and Industry (DTI) na maaaring ipagdiwang ang Noche Buena sa halagang P500 ngayong taon.
Matatandaang batay kay DTI Secretary Cristina Roque, ito ang resulta ng kanilang kalkulasyon ng mababang halaga na maaaring gastusin sa isang Noche Buena.
Ngunit ayon kay Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, hindi niya alam kung saang planeta umano nakuha ng kalihim ang impormasyon na kasya ang 500 pesos para sa Noche Buena ng pamilyang Pilipino.
Hindi niya nga din alam kung saang grocery store pumunta ang ahensya upang bumili ng ham, keso, spaghetti at iba pa sa halagang 500 pesos lamang.
Punto niya na ang pagkalkula ng DTI ay hindi makatotohanan lalo na kung ibabatay ito sa pang-araw-araw na nararamdaman ng ordinaryong Pilipino at sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Binigyang-diin ni Ridon na dapat tanggapin ni DTI Secretary Roque na ang P500 ay hindi sapat para sa Noche Buena ng pamilyang Pilipino at muling isaalang-alang ang kanilang pahayag.










