
LEGAZPI CITY – Personal na nagtungo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Cararayan- Naga Elementary School sa bayan ng Tiwi, Albay upang alamin ang sitwasyon ng lalawigan matapos ang naging epekto ng nakalipas na bagyong Uwan.
Nagsagawa ng briefing ang pangulo kasama si Albay Governor Noel Rosal at iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan.
Personal na inalam ng pangulo ang lawak ng pinsala ng naturang sama ng panahon sa lalawigan at kung ano ang naging aksyon ng mga lokal na opisyal.
Samantala, kasama naman ni Pangulong Marcos si Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon sa pagtungo nito sa Albay upang makita ang pinsala ng bagyo sa mga classrooms at iba pang mga imprastraktura.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Dizon, siniguro nito na mabilis na aaksyunan ng tanggapan ang pagsasaayos ng mga nasirang classrooms, mga tulay, kalsada at iba pang imprastraktura upang agad na magamit ng mga mamamayan.
Dagdag pa ng kalihim na siniguro naman ni Pangulong Marcos ang paglalaan ng sapat na pondo para sa naturang mga proyekto kaya walang dapat na ikabahala ang publiko.










