LEGAZPI CITY- Kinuwestyon ng isang political science professor ang timing ng mga alegasyon ni Senator Imee Marcos laban sa kapatid nito na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na umano’y gumagamit ng iligal na droga.
Ayon kay FEU Political Science Professor Francisco Riodique sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na kung may katotohanan man ang mga alegasyon ng presidential sister ay may pagkakasala rin umano ito dahil ilang ulit niyang ipinangampanya si Pangulong Marcos sa iba’t ibang mga posisyon sa pamahalaan.
Bakit umano hindi agad isinapubliko ang naturang impormasyon kung totoo na may nalalaman pala ito sa umano’y paggamit ng droga ng kaniyang kapatid.
Kinuwestyon rin ni Riodique kung bakit mayroong mga political personality ang nagsalita sa peacefull rally ng Iglesia ni Cristo na dapat sana ay nananawagan ng transparency at accountability sa pamahalaan.
Aniya, nagkaroon ng bahid ang naturang pagtitipon na una ng ipinangako na hindi konektado sa politika.
Dahil dito ay sinabi ng naturang political science professor na dapat na maging bukas ang mata at isip ng mga Pilipino na kahit sino ay maaring mag claim na ipinaglalaban ang good governance subalit dapat na tingnan pa rin ang track record ng mga ito.
Paliwanag ng opisyal na matagal ng problema sa Pilipinas na mas nakatuon ang publiko sa personalidad kaysa sa ipinaglalaban ng mga ito.











