LEGAZPI CITY—Nagsagawa ang isang grupo ng mga mangingisda ng coastal protest bilang panawagan para sa pananagutan ng lahat ng mga opisyal ng gobyerno na nagnanakaw ng pondo ng bayan at likas na yaman sa buong bansa.
Ayon kay PAMALAKAYA Chairperson Pando Hicap, sa panayam sa Bombo Radyo Legazpi, ito ay sabay-sabay na ginawa ng iba’t ibang chapter ng kanilang grupo at magpapatuloy hanggang Nobyembre 21 o ang pagdiriwang ng World Fisheries Day.
Ito ay bahagi aniya ng panawagan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na masusing imbestigahan ang katiwalian sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Gayunpaman, bagama’t hindi sila naniniwala sa mga pahayag ng dating kongresista na si Zaldy Co kung saan isa sa mga pinanangalanan nito ay ang Pangulo sa umano’y ‘budget ‘insertions ay dapat itong imbestigahan upang mapatunayan kung ang opisyal ay sangkot sa nasabing akusasyon o hindi.
Dagdag pa ng grupo na dapat ding harapin ni Zaldy Co ang mga kaso laban sa kanya pati na rin ang paglalantad ng lahat ng katotohanan tungkol sa kung sino ang mga sangkot sa katiwalian.
Sinabi rin ni Hicap na bukod kay Pangulong Marcos ay dapat ding managot si Vice President Sara Duterte.
Nanawagan din ang grupo na wakasan na ang mga patuloy na proyektong sumisira sa kapaligiran at likas na yaman tulad ng reklamasyon at pagmimina na nakakaapekto sa kabuhayan ng mga mangingisda.
Samantala, nanawagan din si Hicap sa publiko na lumahok sa pagdiriwang ng World Fisheries Day sa Nobyembre 21 upang bigyang-halaga at pagkilala ang papel ng mga mangingisda sa bansa.











