LEGAZPI CITY- Hindi naiwasan na maging emosyunal ng isa sa mga partner ng Bombo Radyo Legazpi ng balikan ang naging tulong ng Dugong Bombo noong minsan na mangailangan ng dugo ang kaanak nito.
Ayon kay Rommel Sacayan, First Councilor ng Camalig Ward ng The Church of Jesus Christ of Latter Day Saints na patuloy nilang sinusuportahan ang proyektong ito ng Bombo Radyo Philippines dahil maraming mga pasyente ang natutulungan ng network.
Kwento nito na minsan na nagkaroon ng malalang karamdaman ang kaniyang ama at mabilis na natulungan ng Bombo Radyo Legazpi upang makakuha ng dugo sa pamamagitan ng Dugong Bombo.
Nabatid na ito na ang ikatlong taon na nakikipag partner ang The Church of Jesus Christ of Latter Day Saints sa Dugong Bombo project at sinigurong patuloy pang susuporta sa susunod pang mga taon.
Aniya, siyam na ulit na siyang naging blood donor at isa ang pagsasalba ng buhay sa pinakamagandang pakiramdam.
Matatandaan na bukas na isasagawa ang binansagan na pinakamadugong blood letting activity sa bansa, na sabay-sabay na isasagawa sa mga lugar na mayroong Bombo Radyo at Star FM stations.
Sa panig ng Bombo Radyo Legazpi, isasagawa ito sa 2nd level ng Pacific Mall Legazpi City na inaasahang susuportahan ng maraming mga organisasyon.











