
LEGAZPI CITY – Nanawagan ang Department of Agriculture-Bicol sa mga magsasaka na anihin na ang kanilang mga pananim at ilikas ang kanilang mga alagang hayop bilang paghahanda sa epekto ng Bagyong Uwan sa kanilang sektor.
Ayon kay DA Bicol Spokesperson Lovella Guarin, sa isang panayam sa Bombo Radyo Legazpi, mas mainam na gawin ito ngayon habang mainit pa at malayo pa sa kalupaan ang nasabing bagyo.
Bukod sa mga pananim, dapat din nilang iligtas ang mga makinarya na ginagamit sa kanilang pagtatanim at gamitin ang mga laminated sacks na ibinigay ng kanilang ahensya bilang pantakip sa mga inaning produkto.
Dapat din nilang itali umano ang kanilang mga alagang kalabaw, baka, at kambing sa matataas na lugar at upang maiwasan ang stress ng mga alagang hayop sa masamang panahon, inirerekomenda rin nila ang pagbibigay ng mga vitamins.
Sinabi rin ng tagapagsalita na hindi makakaapekto ang bagyo sa mga magsasaka kahit na tumama ito sa rehiyon dahil karamihan sa kanila ay naani na ang kanilang mga produkto.
Handa rin silang ilabas ang kanilang 168.3 milyong buffer stock tulad ng bigas, pataba, at iba pang pananim kung sakaling may magsasakang maapektuhan sa buong rehiyon.
Pinaalalahanan ni Guarin ang mga magsasaka na laging subaybayan ang kondisyon ng panahon at maging alerto.










