LEGAZPI CITY- Muling kinilala ng Department of Health Bicol South Luzon Sub National Reference Laboratory ang mga hakbang ng Bombo Radyo Philippines na makatulong sa mga pasyente ngayong nasa ‘critically low’ ang supply ng dugo.
Ayon kay Department of Health Bicol Donor Recruitment Officer Nicole Anne Bejo sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na ang taunang Dugong Bombo ay tumutulong upang mapunuan ang pangangailangan sa dugo sa maraming mga pagamutan.
Kaugnay nito ay inanyayahan ng opisyal ang publiko na makiisa sa Dugong Bombo 2025, A Little Pain, A Life to Gain na isasagawa sa Nobyembre 15.
Siniguro ng opisyal na dadaan sa tama at istriktong proseso ang donasyon ng dugo upang masiguro ang kaligtasan ng mga donors at masiguro na ligtas ang mga pasyente na tatanggap ng naturang mga dugo.
Inihayag ni Bejo na sa kasalukuyan ay nagkukulang ang rehiyon sa type O na dugo dahil marami ang mga pasyenteng nangangailangan nito.
Aniya, maaring mag-donate ang mga edad 16-anyos hanggang 65-anyos subalit sasailalim sa proseso ang mga ito bago kunan ng dugo.
Sa panig ng Bombo Radyo Legazpi, isasagawa ang Dugong Bombo sa second level ng Pacific Mall Legazpi City kung saan inaasahan na maraming mga partner donors ang makikiisa.











