LEGAZPI CITY- Positibo si Albay Governor Noel Rosal na hindi makakalusot sa Kataastaasag Hukuman ang panibagong pasya ng Commission on Elections First Division na sa petisyon laban sa Certificate of Candidacy ng gobernador.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi sa gobernador, aminado ito na ipinagtataka nila kung bakit ngayon lang inilabas ang pasya ng Comelec na denied due course/cancelled ang kaniyang kandidatura noong 2025 National and Local Elections.
Nilinaw naman ng opisyal na mananatili siya sa posisyon bilang gobernador ng Albay dahil umiiral pa rin ang temporary restraining order ng Korte Suprema hinggil sa unang desisyon ng komisyon na pagkansela ng kaniyang COC.
Iginiit naman ni Rosal na ipaglalaban niya ang mandato na ibinigay sa kaniya ng mga Albayano na mamuno sa lalawigan.
Dagdag pa nito na hindi rin dapat na gamitin laban sa kaniya ang isa pang dismissal case na una nang na-downgrade ng Ombudsman sa suspensyon na lamang.
Aniya, walang dapat ikabahala ang mga Albayano dahil hindi pa executory ang naturang pasya ng Commission on Elections First Division.











