LEGAZPI CITY—Patay ang isang 48-anyos na lalaki matapos maaksidente sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Barangay Pange, Matnog, Sorsogon.
Ayon kay Matnog Municipal Police Station Chief of Police Captain Wilfred Lloyd Berdin, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, na base sa imbestigasyon ng mga awtoridad ay isang self-accident ang nangyari sa nasabing insidente.
Habang binabagtas umano ng biktima ang Maharlika Highway, nag-overshoot umano ito sa pakurbadang bahagi ng Barangay Pange at nawalan ng kontrol sa pagmamaneho na nagresulta sa kanyang pagkahulog sa kanal.
Nagtamo ng serious injury ang biktima at isinugod sa ospital ngunit idineklara itong dead on arrival.
Aniya, posibleng mabilis ang pagmamaneho ng sasakyan ng biktima kung kaya hindi nito nakontrol ang manibela hanggang sa mag-overshoot ito sa lugar.
Samantala, pinayuhan ni Berdin ang mga motorista na sundin ang mga regulasyon ng Republic Act 41336 o ang Land Transportation and Traffic Code para malaman kung saang lugar sila magdadahan-dahan sa pagmamaneho.
Gayundin na magsuot ng protective gear para sakaling maaksidente ay hindi gaanong masasaktan ang kanilang katawan.











