LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Albay Police Provincial Office na binawian na ng buhay ang media practitioner na si Noel Samar matapos itong pagbabarilin sa Barangay Morera, Guinobatan, Albay nitong Lunes, Oktubre 20.


Ayon kay Albay PPO Public Information Officer Police Major Ma. Luisa Tino sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na dalawang beses na i-revive ang biktima habang nasa ICU ngunit hindi nakayanan ang mga sugat na natamo nito.


Nagsagawa rin ng case conference ang Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) at Police Regional Office 5 hinggil sa isinasagawang imbestigasyon sa pamamaril sa radio broadcaster.


Batay sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya sa pangunguna ng Special Operations Task Group Samar, lumalabas na trabaho, political affiliation, at illegal gambling ang motibo sa pamamaril.


Sinabi ng opisyal na may nakuhang CCTV footages hinggil sa insidente habang biniberipika pa ang mga ito upang makita ang plate number ng sasakyan na ginamit ng gunman.


Nakatakda rin silang makipagpulong sa pamilya Samar upang alamin kung nakatanggap ng death-threats o anumang pagbabanta ang biktima bago ang insidente.


Tiniyak din ni Tino na prayoridad ng kanilang tanggapan ang kaligtasan ng mga mamamahayag sa lalawigan at nanawagan sa lahat ng nasa media industry na mag-ingat at agad na makipag-ugnayan sa kanila sa oras na maramdaman nilang may banta sa kanilang buhay.